Belen Estrada is a widow and a mother to 4 children. She shares about her past and how God worked in her life. This is her story.
“I grew up in Basilan. Mula pa sa pagkabata, salat na ako sa pagmamahal ng magulang kasi broken home kami. Pinaghiwalay ng lolo ko ang nanay at tatay ko dahil hindi sila kasal. Tatlo kaming magkakapatid and I am the youngest. Sabi ng nanay ko, buwisit daw ako sa buhay niya kasi bago ako naipinanganak, naghiwalay sila ng tatay ko. Hindi ‘yun nawala sa isip ko.
Nagkaroon ng bagong pamilya ang mga magulang ko. Eventually, lumipat kami sa lolo’t lola ko at paminsan-minsan pumupunta rin kami sa mga magulang namin. Noong graduation ko sa high school, wala kahit isang nag-attend sa family ko. Siguro nakalimutan nila pero hindi ko napigilang umiyak, nag-self-pity ako. ‘Yung mga classmates ko, kasama ang parents nila, binibigyan sila ng flowers, gifts, pero sa akin, wala.
After graduation, kinuha ako ng tiyahin ko kasi nagbakasyon noon ‘yung mga maids niya. Ako ang naging all-around katulong niya sa kanyang bahay at tindahan. Maraming nanliligaw sa akin doon and one time, narinig ko si Auntie na sinisiraan ako sa kanila. Dahil sa kahihiyan, nag-attempt akong mag-suicide. Humigop ako ng maraming kerosene hanggang hindi na ako makahinga. Natakot talaga ako. Akala ko kasi makakatulog lang ako at mamatay na. Mabuti na lang at dumating ang ate ko at nailigtas ako.
Hindi nagtagal, sumama ako sa nanay ko sa Zamboanga City. Nakapagtrabaho ako doon bilang receptionist sa isang portrait studio kung saan nakilala ko ang naging asawa ko. Matagal kaming nagsama at marami nang nangyari sa amin bago kami nagpakasal. Apat ang naging anak namin.
Nang magkaroon ako ng pamilya at nagkasama kami ng nanay ko sa bahay, nakapag-usap kami tungkol sa mga hinanakit ko sa kanya at nagka-ayos naman kami.
Samantala, ang aking asawa naman ay mabisyo, palabarkada at babaero. Dahil dito, puno ng lungkot at konsumisyon ang buhay ko at naisipan kong wakasan muli ang buhay ko pero dala ng galit, naisipan kong maghiganti na lang. Sinabi ko sa asawa ko na kung kaya niyang mambabae, kayo ko ring manlalake.
At nangyari nga ang gusto ko. Nag-abroad ako para magtrabaho. Para akong ibong nakawala sa hawla. Iba’t-ibang lalake ang pinatulan ko. Hinanap ko ang pagmamahal na hindi ko naramdaman simula pa sa aking pagkabata.
Kapag umuuwi ako, hindi ako natitigil sa bahay. Minsan sa Manila, tumira ako sa pamangkin ko habang inaayos ang papers ko para magtrabaho sa Dubai. Isinama niya ako sa kanilang church at doon ko tinanggap si Hesus bilang Lord and Savior. Hindi naging malalim ang pagkakilala ko sa Panginoon at patuloy pa rin ang struggle kong maging masaya.
Nakaalis ako at nasa Dubai, taong 2011, nang mabalitaan ko ang pinakamasaklap na pangyayari sa buhay ko, ang pagsui-suicide ng aking kaisa-isang anak na lalake sa kanyang birthday dahil sa addiction sa drugs. Napakasakit sa isang ina ang ganitong pangyayari at kinausap ko ang Diyos kung bakit ganito ang nangyari sa amin. Dala ng kagustuhan kong mapayapa ang aking kalooban, nag-pray akong makahanap ng Christian church doon at tinugon ng Diyos ang aking panalangin.
Sa church na iyon, para kaming isang pamilya. Ipinapag-pray nila ako at pinapayuhan. Naging active ako sa mga gawain sa church ngunit marami pa rin akong dapat matutunan, marami pang dapat baguhin.
Naghiganti ako sa aking asawa pero hindi ako naging masaya sa desisyon na ‘yun. Nagsisi ako at humingi ng tawad sa Diyos sa mga kasalanang nagawa ko.
Noong 2012, nagkasakit ang asawa ko at umuwi ako para asikasuhin siya. Bumalik ako sa Dubai nang maging maayos ang kanyang kalagayan. After a year, naospital siya ulit at doon na siya binawian ng buhay. In 2015, umuwi ako sa Pilipinas at nanirahan sa Manila kasama ang aking pangalawang anak at apo.
Natutunan ko na hindi solusyon ang paghihiganti sa taong nakasakit sa atin. In my case, gumawa ako ng masama para makaganti pero ang resulta, nasaktan na ako, nagkasala pa at naging miserable ang buhay. I surrendered everything to Christ dahil hindi ko kayang harapin mag-isa ang mga pagsubok at tukso ng buhay. Kailangan ko Siya para mamuhay ng ayon sa Kanyang kagustuhan.