Dapat Ba Akong Maging Concern sa Delta Variant ng COVID-19?

Dapat Ba Akong Maging Concern sa Delta Variant ng COVID-19?

by Dr. Claire Celiz-Pascual

Mahigit isang taon na mula ng nag-umpisa ang lockdown sa Pilipinas dahil sa banta ng Covid 19. Marami nang nagbago, mula sa matinding paghihigpit sa paglabas ng tao, nakaranas din tayo ng taas ng mga kaso, at nandito na tayo sa panahong meron nang mga bakuna na maaring magbigay ng karagdagang protection. Hindi pa man tayo bumabalik sa dating takbo ng ating buhay, meron namang mga balita tungkol sa bagong variant o version ng COVID-19 virus: ito ay tinatawag na Delta variant.

Paano nabubuo ang mga variant at ano ang Delta variant?

Ang mga virus katulad ng Sars Cov 2 (ang virus na nagdudulot ng sakit na COVID-19), ay palagiang nagbabago sa pamamagitan ng mutation. Ang mutation ay isang proseso kung saan nagbabago ang structure, na nakasalalay sa mga pagkakasunod-sunod ng mga genes . Ito ang isang magandang illustration ng mutation ayon sa Center for Disease Control: Ang virus ay parang isang puno na tinutubuan ng mga sanga. Ang bawat sanga ay magkakaiba, at ang mga variants ay mahahalintulad sa mga sanga galing sa original SARS COV 2 virus.

Ang mga scientists ay lubusang pinag-aaralan ang mga variants na ito. Minsan may variants na mawawala nalang bigla, pero may ilan na pinahihintulutang mas kumalat ang virus o hindi talaban ng mga gamot o bakuna. Ito ang mga variants na mas kailangan suriin o bantayan.

Ang Delta variant ay unang natagpuan sa India. Sinasabing ito ay mas madaling kumalat kung ikukumpara sa iba, ito ang dahilan kung bakit sinasabing mas mapanganib siya, dahil ang bilis ng pagkalat ay maaring maging peligro lalo na sa sinasabing vulnerable population, katulad ng mga matatanda, may sakit, mga buntis at sa mga hindi pa nababakunahan.

Dapat ba matakot sa Delta variant?

Ang Department of Health ay nagdeklara ng heightened alert kumakailan dahil sa pagtala ng Delta variant sa Pilipinas, karamihan ay galing sa ibang bansa. Patuloy na pinapatupad ang mga strict quarantine protocols lalo na sa mga pasahero na galing sa ibang lugar.

Mahalaga ang impormasyong ang Delta variant ay mabilis kumalat para sa publiko, at ang DOH ay nagpapayo ng maigihang pag-iingat lalo sa mga individuals na lumalabas sa bahay at nakikipagsalamuha sa iba, dahil maari nilang maiuwi ang virus sa kanilang mga bahay, at mabilis itong maipapasa sa ibang miyembro ng pamilya.

Maliban dito, ang minimum health standards ay epektibo pa rin as preventive measures sa pagkalat ng COVID19. Ito ay tinatawag na

APAT DAPAT ng DOH, at ito ang mga sumusunod:

  • A – Air circulation at ventilation
  • P – Physical distancing 1 meter or more
  • A – Always use face mask at face shield
  • T – Time of interaction less than 30 mins

Ang pagbabakuna ay isa ring importanteng strategy para bumagal ang pagkalat ng virus. Kung ikaw ay nakatanggap na ng 2 doses ng bakuna, at 2-3 linggo makalipas ng pangalawang dose ikaw ay protektado lalo sa pinakamalalang category ng COVID.

Ang minimum health strategies, bakuna, healthy habits at ibayong pag-iingat sa labas ng bahay pa rin ang pinakamagandang paraan para mapuksa ang COVID 19. Sa pagtutulungan ng bawat isa, sa physical na prevention at lalo na sa pananalangin nakasalalay kung paano ang magiging takbo ng ating bansa sa gitna ng pandemiya sa mga susunod na buwan. Dasal ko na bigyan ang bawat isa ng proteksiyon at kaalaman ng Diyos ngayong panahon ng crisis.

Psalm 91:9-10,14, “Sapagkat si Yaweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang, at pinili mong mag-iingat sa iyo’y Kataas-taasan. Di mo aabuting ika’y mapahamak; di mararanasan kahit anong uri ng paghihirap sa iyong tahanan. Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sakin, at iingatan ko ang sinumang taong ako’y kikilanlin”.

Comments

comments